Sunday, May 27, 2007

Isang araw sa Intramuros



















Sabado at kakatapos ko lang ipasa ang entries namin para sa Mayo sa FPPF Fort Santiago. Naglalakad na ako sa Gen. Luna nang huminto ako sa isang gusaling basag ang mga bintana at halatang nasunog. Huminto ako para kumuha ng ilang litrato. Saka ko lang naisip na ito pala ang headquarters ng Comelec na nasunog nuong Pebrero (mayroon pang sunog na memo sa bintana). Inisip ko kung anong nangyari sa imbestigasyon pero hindi ako nag-isip ng matagal dahil tanghaling-tapat at mainit. Naglakad na ako uli. Ilang hakbang pa palapit na ako sa gusali ng NCAA. May mga batang nagiingay at humihiyaw. Mayroon atang palaro. Maya maya pa ay lumabas ang dalawang magkatunggali, parehong lalaking laseng (o mukhang laseng). Tulakan at suntukan hanggang umabot sa gitna ng kalye. Nakalamang ang isa sa suntok at tumba ang mamang walang pang-itaas. Naunang lumapag ang likod sinundan ng malakas na pagumpog ng bumbunan sa aspalto. Hindi nakuntento ang nagwagi at dinaganan pa ng isang paa sa dibdib parang pumapatay ng ipis. Sabay lakad palayo mula sa walang malay na kaaway "SAbi ko saYO huwag MO akOng Ngyar ngyar ngYAR..." Ang lahat ay naganap ng mabilis pa sa kalahating minuto. Nakalampas na ako sa lugar ng insidente, ang kawawang lalaki ay inaakay patayo. Buhay pa naman yata pero matamlay ang buong katawan, walang buto parang jellyace. May dalawang security guard na masayang sumaksi sa lahat. Sabi ko sa kanila "Mabilis ang laban" Sagot nila "Knock-out kaagad". Tumawa kami. Wala nang ibang nangyari sa pag uwi ko.